Lumabas sa siyam na pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga na buhay na buhay ang cartel ng sibuyas sa ating bansa.
Sa pulong balitaan ngayon ay tahasan ding inihayag ni Committee Vice Chairperson at Marikina 2nd District Rep Stella Quimbo na “undisputed” sibuyas queen umano ang trader na si Leah Cruz.
Sabi ni Quimbo, si Cruz ang puno’t dulo ng price manipulation at hoarding ng sibuyas gamit ang Philippine (Vegetable Exporters and Vendors Association Philippines, Inc.) group of companies o PhilVIEVA.
Ayon kay Quimbo, ang pagtaas sa presyo ng sibuyas na umabot sa P700 kada kilo ay kagagawan ng onion cartel na pinangungunahan umano ni Cruz.
Bunsod nito ay nanawagan si Quimbo sa mga awtoridad tulad ng National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na ito ay imbestigahan.