Online lending apps, hiniling ng isang Kongresista na i-regulate na ng BSP

Umaapela si House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na i-regulate ang mga nagsulputan ngayon na online lending apps na nag-aalok ng short-term loans.

Sumulat si Salceda kay BSP Governor Benjamin Diokno at sa Monetary Board na i-regulate ang ipinapataw na interest rates ng mga applications na nag-aalok ng pautang sa publiko.

Naalarma ang kongresista dahil ang interest rates na ipinapataw ng ilang kumpanya ay umaabot ng 1% kada araw na may isang buwan na tenure.


Nababahala si Salceda na maging banta ito sa pinansyal na kalakasan ng bansa dahil ang mga kumpanya ng mga lending apps na ito ay hindi naman saklaw sa standards na sinusunod ng mga bangko.

Bilang Co-Chair din aniya ng House Defeat COVID-19 Committee (DCC) ay nanawagan si Salceda sa BSP at sa Monetary Board na magtakda ng ‘cap’ sa interest rate sa mga lending apps at online payday loans katulad ng ipinapatupad sa mga credit card loans.

Batay sa National Baseline Survey on Financial Inclusion ng BSP noong 2014 at 2015, 4.4% lamang na average ng mga Pilipino ang umuutang sa mga bangko, habang 12% naman ng borrowings ay mula sa mga lending at financing companies.

Tataas pa sana ito kung hindi nagsipasukan sa digital o online ang mga non-bank lending at financing activities.

Facebook Comments