Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa pamahalaan na magkaroon ng online list o ilagay sa website ang listahan ng mga pagkakalooban ng 5,000 hanggang 8,000 pesos tulong pinansyal ng pamahalaan.
Base sa ‘Bayanihan to Heal as One Act’, nasa 18-milyong mahihirap na pamilya at nasa sitwasyong no-work-no-pay ang dapat mabigyan ng nasabing tulong.
Diin ni Villanueva, ang online list na maglalaman ng pangalan at kinabibilangang barangay ng mga benepisaryo ay alinsunod sa transparency na dapat paiiralin ng gobyerno.
Samantala, ikinatuwa naman ni Villanueva ang pagbili ng pamahalaan ng mga personal protective equipment o PPE pero dapat ay bilisan din ang pagbili ng mga ventilators na lubhang kailangang ng mga pasyenteng may COVID-19.
Iginiit din ni Villanueva sa Department of Agriculture (DA) na bumili ng mga produkto mula sa mga magsasaka at mangingisda bilang tulong sa kanilang hanay na lubhang apektado din ng krisis dulot ng COVID-19.