Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang online pre-registration sa mga residente nito na nais magpabakuna kontra COVID-19.
Sa abiso ng City Health Office at ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, maaaring i-scan ng mga interesadong magpabakuna ang QR code na makikita sa social media pages ng Parañaque Local Government Unit (LGU) at official website ng lungsod na oneparanaque.net.
Matapos i-fill up ang form, mismong ang tauhan ng City Health Office ang makikipag-ugnayan para sa kumprimasyon ng ibang detalye kung saan isasailalim rin sa screening ang mga magpapabakuna.
Ang City Health Office na rin ang magbibigay ng iba pang impormasyon kung kailan at saan gagawin ang pagbabakuna kontra COVID-19 sakaling makabili na nito ang lokal na pamahalaan ng Parañaque.
Kasabay nito, hinihimok ng Parañaque LGU ang mga residente nito na magpa-registro upang malaman kung ilan ang mga nais sumailalim sa kanilang vaccination program.
Nagsagawa na rin ng pagpupulong ang Task Force COVID-19 ng lokal na pamahalaan kung saan kanilang pinag-usapan ang schedule ng vaccination sa lungsod.