Online reporting ng mga Pensioners, pinayagan na ng GSIS

Pinayagan na ni State Pension Fund Government Service Insurance System (GSIS) President at General Manager Rolando Ledesma Macasaet ang online reporting ng mga pensioners bilang alternatibong paraan sa requirement ng Annual Pensioners Information Revalidation (APIR).

Ayon kay Macasaet, pwede nang mag-report ang mga pensiyonado sa GSIS sa pamamagitan ng Viber, Facebook (FB) Messenger, Skype o Zoom matapos nitong maisumite sa email ang mga requirement para sa APIR.

Sa pamamagitan aniya nito ay mapoprotektahan ang mga miyembro laban sa posibleng pagkahawa sa COVID-19, na kadalasang nangyayari kung sila ay lalabas ng kanilang tahanan.


Nilinaw naman ni Macasaet na karagdagang opsiyon lang ito para sa kanilang mga miyembro dahil pwede pa rin namang gawin ang annual reporting sa GSIS sa pamamagitan ng Gwaps Kiosk, personal appearance, at sinuspinde munang home visit dahil sa COVID-19.

Inirerekomenda ang online APIR sa mga pensiyonadong edad 80 pataas, kasalukuyang may sakit, disable at may iba pang health issues.

Para sa iba pang karagdagang impormasyon; bumisita lang sa GSIS website na www.gsis.gov.ph, GSIS Facebook page, o tumawag sa GSIS contact center at 8847-4747.

Facebook Comments