Kinatigan nina Senators Francis Tolentino at Koko Pimentel na obligahin ang e-Sabong o online sabong na kumuha ng prangkisa mula sa Kongreso.
Ngayon ay nag-o-operate ang e-Sabong batay sa lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR habang nasa Kongreso pa ang panukalang batas ukol sa prangkisa na hiling ng mga operator nito.
Sabi ni Tolentino, sa pamamagitan ng legislative franchise ay magkakaroon ang gobyerno ng kontrol at regulasyon sa operasyon ng e-Sabong at mababawasan ang masamang epekto nito sa publiko.
Ikinaalarma rin ni Tolentino ang balitang pagdukot sa ilang sabungero na umano’y konektado sa e-Sabong bukod sa pati mga menor de edad ay nakalataya na rin dito.
Para naman kay Senator Pimentel, hindi sapat na nag-o-operate lang ang e-Sabong batay sa lisensya mula sa PAGCOR.
Diin ni Pimentel, ang operasyon ng online sabong na walang legislative franchise ay dapat ituring na iligal.