Online seller, timbog sa P3.4M COVID-19 rapid test kits

Arestado ang isang lalaking iligal na nagbebenta online ng COVID-19 rapid test kits sa Cebu City.

Kinilala ni National Bureau of Investigation (NBI) OIC Eric Distor ang suspek na si Jemeun Cenon, na nagbebenta sa Facebook gamit ang pangalang Jemskie Cenn.

Nadakip si Cenon nitong Lunes sa entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng NBI-Central Visayas Regional Office (NBI-CEVRO), Philippine National Police (PNP), at ng Food and Drug Administration (FDA).


Nakumpiska sa suspek ang 134 kahon ng rapid test kits na tinatayang nagkakahalaga ng P3,484,000.

Ayon kay Distor, inilunsad ang entrapment operation kasunod ng ulat ng 312nd Air Intelligence and Security Squadron of the Philippine Air Force (PAF) tungkol sa naturang pananamantala sa gitna ng pandemya.

Muling ipinaalala ng NBI na ipinagbabawal ang pagbebenta ng COVID-19 rapid test kit sa publiko alinsunod sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act.

Facebook Comments