Inihirit muli sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapataw ng Value Added Tax (VAT) sa mga digital transaction.
Tinukoy ng may-akda ng panukala na si House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na mabilis ang paglaki ng digital economy pero wala namang pag-angat sa pagbubuwis dito.
Katunayan aniya noong 2019, ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa buwis sa digital economy ay umabot ng P45 billion at noong 2020 kung kailan nagsimulang tumaas ang mga digital transaction ay nakapako pa rin sa P45 billion ang digital economy tax collections.
Kabilang sa mga digital transaction na pinapapatawan ng VAT sa ilalim ng House Bill 372 ay ang digital advertising, subscription-based services, online shopping at iba pang online services na idine-deliver sa pamamagitan ng internet.
Sakaling maging batas at maipatupad ito ay makakalikom ang pamahalaan ng P226.5 billion na kita sa loob ng medium term.
Inaasahan din na makatutulong ang pagpapataw ng VAT sa digital transactions sa mga programang pananalapi ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.