ONLINE TEACHER NA WANTED PERSON SA MAKATI CITY, ARESTADO SA 89 COUNTS NA KASONG QUALIFIED THEFT SA CAUAYAN CITY

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na naaresto ng mga otoridad ang isang Wanted Person na Online Teacher at HR ng isang kumpanya dahil sa kasong 89 counts ng Qualified Theft na kung saan nadakip ito pasado alas otso kagabi sa barangay Marabulig 1, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang akusado na si Rlynn Marchan, 33 taong gulang, walang asawa, at residente ng San Lorenzo ng barangay Marabulig.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT Scarlette Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan, dahil taga Brgy. Marabulig ang naturang akusado ay nakipag ugnayan aniya ang PNP Makati sa Cauayan City Police Station para isilbi ang warrant of arrest ng akusado para sa kasong 89 counts ng qualified theft na nagresulta sa matagumpay na paghuli ng akusado.

Ayon kay PLt Topinio, mismong ang pinagtatrabahuang kumpanya ni Marchan sa Makati City ang nagsampa ng kaso sa kanya matapos mapag-alaman ang ginagawa nitong kalokohan na kung saan ay mayroon siyang mga napagbentahan na hindi umano nito nireremit sa kanilang kumpanya.

May inirekomendang piyansa ang korte sa Makati na tig-120,000 pesos sa 83 counts Qualified theft at tig-90,000 pesos naman sa 6 counts niyang kaso sa Qualified theft.

Sa kabuuan, aabot sa halagang P10,500,000.00 ang total bail ni Marchan para sa kanyang pansamantalang paglaya. Kasalukuyang nakakulong sa lock-up cell ng PNP Cauayan ang akusado.

Ayon pa kay PLT Topinio, naging maayos ang pagsisilbi ng kapulisan sa warrant of arrest ni Marchan at hindi naman nakipagmatigasan sa mga otoridad nang siya ay arestuhin.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang naturang akusado.

Facebook Comments