ONSITE NA PAGSASANAY PARA SA MGA RESIDENTE NG BAYAN NG ALCALA, ISINAGAWA

Isa sa layunin ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Alcala ang mabigyan at mapabuti ang buhay ng mga nasasakupan nito sa pamamagitan ng pagbibigay kasanayan para sa paghahanapbuhay.
Dahil dito, patuloy na nagbibigay ng oportunidad ang LGU Alcala ng iba’t ibang kasanayan sa paghahanapbuhay na magagamit ng mga residente sa kanilang paghahanap ng trabaho.
Partikular na nabigyan ng oportunidad ang nasa 25 mag-aaral upang makapagsanay ng kasanayan gaya na lamang ng kursong Dressmaking NC II at Masonry NC II kung saan isinagawa ito ng onsite sa Alcala Training Center.

Katuwang ng LGU ang Pangasinan School of Arts and Trades sa bayan ng Lingayen at sa tulong din ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan.
Bukas ang iba’t ibang kurso sa mga residente ng bayan kung saan inaanyayahan ang mga nakatira sa bayan lalong lalo na ang mga indibidwal na nangangailangan ng gabay upang makapaghanap ng trabaho.
Samantala, para sa mga interesado sa susunod na kursong Shielded Metal Arc Welding SMAW NC II, mangyari lamang na magparehistro sa MSWD Office at Alcala Training Center hanggang Mayo 31, 2023. |ifmnews
Facebook Comments