Sa pagharap sa Senate Sub Committe-C ng Committee on Finance ay umapela ang Office of the Presidential Adviser on Peace Process o OPAPP ng ₱4.6 billion na dagdag na pondo para sa 2022.
Paliwanag ni Secretary Carlito Galvez, aabot sa ₱2.7 billion ang kanilang unfunded programs at nasa ₱1.8 billion naman ang kanilang proposed budget sa National Expenditure Program sa susunod na taon.
Diin ni Galvez, kailangang mapondohan ang kanilang mga programa dahil nade-delay na sila sa implementasyon nito dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Pangunahing inihalimbawa ni Galvez ang pagka-delay ng decommissioning ng mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Diin pa ni Galvez, mahalagang maipatupad ang mga programa ng OPAPP na sumusuporta sa peace process.
Iginiit ni Galvez na habang hinaharap ng bansa ang hamon na hatid ng pandemya ay hindi naman dapat maisantabi ang buhay ng milyon-milyong Pilipino sa mga lugar na apektado ng sigalot sa lipunan.