OPEN DISCUSSION | Mga kawani ng media, nakatakdang pulungin ng BOC

Manila, Philippines – Inaanyahahan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga kawani ng media na makiisa sa gagawing open discussion mamaya sa tanggapan ng BOC.

Ito ay upang talakayin ang bagong patakaran na inilabas na kagawaran tungkol sa media coverage at upang tumanggap ng suhestyon kung paano pa mas magiging organisado ang pakikipag-ugnayan ng BOC sa media.

Ayon kay Customs Spokesperson Atty. Erastus Austria, gagawin sa collector’s room mamayang alas 10 ng umaga ang pagpupulong kung saan lahat ng media entities ay maaaring dumalo para magbigay ng kani-kanilang suhestyon.


Matatandaan na nitong Martes, umani ng mga pagtuligsa makaraang maglabas ng bagong polisiya ang BOC hinggil sa media coverage.

Nakasaad kasi sa abiso ng Customs Public Information and Assistance Division na kailangan munang magpadala ng liham ang news agency kay Customs Commissioner Leonardo Guerrero, limang araw bago ang gagawing interview.

Ito ay upang maiwasan ang mga informal at ambush interview.

Nilinaw naman ni Austria na maari siyang tawagan ng mga media kapag may mga agarang katanungan.

Facebook Comments