Operasyon ng E-sabong, posibleng may mga paglabag sa quarantine protocols

May nakikita si Senator Francis Tolentino na paglabag sa COVID-19 quarantine protocols ng operasyon ng E-sabong sa gitna ng pandemya na hindi dapat palampasin.

Ayon kay Tolentino, mula noong 2020 hanggang nung nakaraang taon, ay nagpatupad ang gobyerno ng mga lockdown o community quarantine para sa pag-iwas sa hawahan pero lumilitaw na hindi ito nasunod sa E-sabong.

Tinukoy ni Tolentino na batay sa testimonya sa pagdinig ng Senado ng Philippine Amusement and Gaming Corportion o PAGCOR, ang mga lokal na pamahalaan ang nag isyu ng permit sa pisikal na sabungan.


Binigyan naman ng PAGCOR ng lisensya ang pagbo broadcast sa internet ng mga sabong.

Kinukwestyon ni Tolentino kung paano napahintulutan ang pisikal na sabong gayung sarado dapat ang mga sabungan at ang mga authorized persons outside of residence o APOR lamang ang pinayagan na lumabas noon habang umiiral ang mga lockdown.

Nagtataka si Tolentino kung paano naging mga APOR ang mga nagsabong, kabilang na ang nasa 34 na nawawala.

Facebook Comments