Agad nang ipinatitigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng E-sabong sa buong bansa.
Sa kanyang Talk to the People, inihayag ni Pangulong Duterte na inaprubahan na niya ang rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tuluyan nang ipahinto ang operation ng E-sabong sa bansa.
Ang kanyang desisyon aniya ay kasunod ng isinagawang survey ng DILG kaugnay sa masamang epekto ng E-sabong sa sambayanang Pilipino.
Ayon kay Duterte, bagamat ang habol ng pamahalaan ay buwis mula sa E-sabong pero marami siyang natanggap na report hinggil sa masamang epekto nito.
Na-validate aniya ng DILG ang mga report na ito kaya agad niya ipinag-utos ang pagpapatigil nito, epektibo ngayong araw.
Una nang naging kontrobersyal ang operasyon ng E-sabong dahil sa pagkawala ng higit 30 sabungero sa iba’t ibang lugar, ang pagka-lulon ng isang ina sa nasabing laro na humantong pa sa pagbebenta niya sa kanyang sanggol na anak at ang pagkwestyon ng ilang mambabatas sa bente kwatrong operasyon nito at pagsasagawa ng laro nitong nakaraang Semana Santa.