Operasyon ng ilang Pamilihan sa Tuguegarao City, Nilimitahan

*Cauayan City, Isabela*- Ipinag-utos na ng Pamahalaang Lokal ng Tuguegarao City ang paglilimita sa operasyon ng Public Market (DON DOMINGO) maging ang Commercial Center at mga Talipapa sa kabila ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Ito ay batay sa ipinalabas na Executive Order No. 35 matapos amiyendahan naunang executive order no. 34 na naglilimita sa oras ng pagbenta sa iba’t-ibang pampublikong pamilihan.

Batay sa kautusan, sa lahat ng mga nagbebenta ng karne, isda, poultry products at mga gulay sa loob ng commercial center ay magsisimula ng 5:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, Lunes hanggang Linggo.


Gayundin ang mga Talipapa ay simula 5:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali maging ang bentahan sa Tuguegarao City Public Market, Lunes hanggang Linggo.

Samantala, mananatili namang bukas ang mga pangunahing establisyimento gaya ng mga botika para sa ilang kakailanganing gamot ng publiko.

Hinihimok naman ng LGU Tuguegarao City ang publiko na ugaliin pa rin ang social distancing para makaiwas sa posibleng pagkalat ng nakamamatay na sakit.

Facebook Comments