Kasunod nang pagbuti ng lagay ng panahon, pinayagan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga sasakyang pandagat na makapaglayag muli.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PCG acting Commander Commodore Armand Balilo na kahapon pa nagbalik operasyon ang mga pantalan sa Matnog Sorsogon gayundin sa Bicol at mga pantalan sa Visayas at Mindanao.
Ani Balilo, kaninang umaga ay mayroon pang 3,000 stranded na mga pasahero pero dahil balik operasyon na ang mga pier ay tiyak na makakasakay at makakapaglayag na ang ating mga kababayan patungo sa kani-kanilang mga lalawigan.
Sa ngayon, focus ng kanilang pwersa ang operasyon ng inter island ferries lalo na sa mga magbabakasyon.
Pinatitiyak ng coast guard sa operators ng bangka na may life vest ang mga pasahero.
Samantala, tuloy-tuloy rin ang ginagawang pag-asiste ng PCG sa search, rescue and relief operations sa mga kababayan nating naapektuhan nang pananalasa ng Bagyong Agaton.