Mga residente ng Bulacan nangangamba na makontamina ng Poliovirus dahil sa iligal na operasyon ng Wacuman sanitary landfill.
Patuloy ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura sa harap ng panunumbalik ng Polio virus. Una na kasing napaulat na nakuntamina ng Poliovirus ang Davao river matapos magsagawa ng sampling at testing ang Davao City Health Office.
Ang kontaminasyon ng Poliovirus sa Davao river ay posibleng nagmula sa dumi ng tao at sa basura. Ayon kay Health Secretary Fracisco Duque III, dapat ding siguraduhin ng mga lokal na pamahalaan na may kaukulang permiso ang mga sanitary landfill sa kanilang nasasakupan at matiyak na hindi naihahalo sa mga daluyan ng tubig ang katas ng mga basura na nagmula sa sanitay landfills.
Una nang ipinanawagan ng grupong ACAPE o Alliance for Consumer and Protection of Environment sa Senado at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na imbestigahan ang operasyon ng Wacuman sanitary landfill sa Bulacan dahil sa pagiging banta nito sa kalusugan lalo at nanumbalik na naman ang Poliovirus.
Nangangamba naman ang mga residente sa Norzagaray at San Jose del Monte (SJDM), Bulacan na makontamina ang kanilang mga sapa at ilog ng katas na nagmumula sa Wacuman sanitay landfill lalo at hindi ito sumunod sa Presidential Decree (PD) 1152 na nagbabawal sa mga landfills malapit sa streams at river banks.
Posible kasi aniya silang tamaan ng Poliovirus lalo na ang nakatira malapit sa landfill at sa kahabaan ng mga daluyan ng tubig sa Bulaca. Ikinadismaya kasi ni Brgy. Chairman Gloria Deguito-Cardona ng Barangay Paradise II ng SJDM ang kawalan ng public consultation sa operasyon ng Wacuman.
Nabatid na ang Wacuman sanitary landfill ay malapit lamang sa mga daluyun ng tubig sa San Jose del Monte na dumideretso naman sa Angat reservoir na siyang pangunahing nag-susuplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan. Sabi ni Duque, illegal na maituturing ang operasyon ng isang landfill na walang kaukulang permiso mula sa DENR.
Excerpt: ito ay sa harap ng panunumbalik ng Polio Virus sa bansa.