Inirekomenda ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR na suspindehin ang operasyon ng lahat ng online sabong.
Sa pagdinig na pinamunuan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ay nagmosyon si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mag-isyu ang komite ng resolusyon na humihiling sa PAGCOR na suspindehin muna ang lisensya ng lahat ng E-sabong operators.
Ito ay hanggang wala pang katanggap-tanggap na conclusion sa nangyari sa 31 isang nawawalang mga sabungero.
Sinegundahan ni Senator Francis Tolentino ang mosyon ni Sotto, kaakibat ang mungkahi na isama sa resolusyon na alisin din muna sa GCash menu ang E-sabong payment system.
Paliwanag ni Tolentino, dahil sa GCash payment, kahit na sino, pati mga menor de edad, ay madaling nakakataya sa online sabong.
Sang-ayon din si Senator Joel Villanueva na ipatigil ng PAGCOR ang operasyon ng E-sabong dahil lumilitaw na marami itong violation.
Sa pagdinig ay sinabi naman ni PAGCOR E-Sabong Department acting AVP Diane Erica Jogno na sa guidance ng kanilang top management ay okay sila sa suspensyon na kanilang papa-aprubahan sa Office of the President.