Ipinapasailalim ng isang kongresista sa overhaul ang operasyon ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) matapos ilabas ng Commission on Audit (COA) ang findings nito sa iligal na paggastos nito sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Giit ni Marikina Rep. Stella Quimbo, ang iligal na paggastos ng PhilHealth sa IRM na aabot sa P14.97 billion ay nagpapakita na kailangang panghimasukan na ang institusyon.
Inilabas ang nasabing pondo sa 711 healthcare institutions na hindi man lang nakukumpleto ang pagsasalin ng serbisyo.
Malinaw aniya na paglabag ito sa Government Auditing Code of the Philippines na nangangailangan ng pag-apruba ng pangulo para sa advance payments.
Dahil sa mga iregularidad sa PhilHealth, kinukumpirma lamang nito na ang walang pigil na paggastos ng ahensya ay hindi lamang ipinagkakait sa mga Pilipino ang agarang health care services kundi nagdulot din ito ng financial damage sa napakahalagang ahensya ng pamahalaan.
Kinalampag ni Quimbo ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na aksyunan at pagtibayin na ang Social Health Insurance Crisis Act na layong tiyakin ang epektibong pamamahala sa PhilHealth.