Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na mapanganib at walang batas na nagpapahintulot sa Land Transportation Office (LTO) na ipaubaya sa Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) ang trabaho nito o regulatory function na mag-inspeksyon ng mga sasakyan.
Sabi ni Drilon, ang maaaring lang i-delegate ng government agencies katulad ng LTO ay ang public services tulad ng health services.
Pahayag ito ni Drilon makaraang malathala sa pahayagan ang open letter ng PMVIC na umaapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang kanilang operasyon habang idinadaing na nagagamit sila sa political grandstanding.
Diin ni Drilon, mapanganib na ipagkatiwala sa mga pribadong kompanya ang pag-inspeksyon kung roadworthy o ligtas ang sasakyan na ipaparehistro.
Ipinunto pa ni Drilon na binabayaran ng motorista ang certificate para sa roadworthiness kaya posibleng magkabayaran para makakuha ng sertipiko kahit hindi naman garantisadong ligtas ang sasakyan na pinapasuri at ipaparehistro nito.