Operasyon ng PNR, pansamantalang hihinto ngayong taon

Pansamantalang ipapahinto ang operasyon ng Philippine National Railways o PNR ngayong taon para bigyang-daan ang mabilis na konstruksyon ng 55-kilometro na South Commuter Railway Project na mag-uugnay sa Metro Manila hanggang sa Laguna.

Ito ang kinumpirma ni Department of Transportation Undersecretary for Railway Cesar Chavez sa briefing sa House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop.

Tiniyak ni Chavez na aabisuhan ng maaga ang publiko bago itigil ang operasyon ng PNR na posibleng simulan ngayon summer.


Binanggit ni Chavez na batay sa pag-aaral, makakatipid ang gobyerno ng P15 Billion kung ihihinto muna ang operasyon ng PNR dahil hindi na kakailanganin na i-relocate ang kailangang utilities tulad ng kuryente at tubig para sa konstruksyon.

Ayon kay Chavez, katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ay pinag-aaralan na ang alternatibong masasakyan ng mga pasahero ng PNR na maaapektuhan.

Facebook Comments