Pinapasuspende ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ito ay makaraang lumabas sa pagdinig ng Senado na tuloy tuloy ang pagpasok ng mga turistang Chinese na nauuwi sa ilegal na pagtatrabaho sa mga POGO.
Sa pagdinig ay iniulat ni Anti-Money Laundering Council Director Mel Georgie Racella na tumataas ang panganib ng money laundering at iba pang fraudulent activities na may kaugnayan sa POGO.
Ayon kay Racella, nakita nila na nasa 54 billion pesos ang naglabas pasok sa POGO pero pitong bilyon lang ang nakitang net inflow o aktwal na pumasok sa ekonomiya.
Sa record naman ng Philippine National Police (PNP) ay tumaas ng 50 percent ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga Chinese nationals na karamihan ay nagtatrabaho sa POGO.
Sa report naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nasa 27.4 billion pesos ang hindi nakulektang buwis mula sa mga POGO kung saan noong 2019 ay 5.1 billion lamang ang nakulektang buwis dito.
Sabi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga legal na POGO ay may 6,600 workers ang illegal na nagtatrabaho o walang Alien Employment Permit .