Manila, Philippines – Ipinakakansela ni Senior Deputy Minority Leader at Buhay PL Rep. Lito Atienza ang operasyon ng Resorts World Manila kasunod ng nangyaring trahedya sa casino noong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Atienza, pumalpak ang RWM sa kanilang seguridad at hindi nagawang iligtas ang buhay ng mga inosenteng nasa casino na walang kamalay-malay sa trahedyang nagaabang sa kanila.
Bukod dito, hindi rin naging handa ang security ng casino dahil umabot sa 38 ang namatay kabilang na dito ang gunman.
Mariing iginiit ni Atienza na suspendihin o kanselahin ng PAGCOR ang permit to operate ng casino habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng mga otoridad.
Hinimok din nito ang LGU na nakakasakop sa casino na suspendihin ang operasyon ng kabuuhang pasilidad habang kasalukuyan pang inaalam ang mga glitches na nakita sa Resorts World.
Pinaiimbestigahan din ni Atienza sa House Committees on Games & Amusements, Legislative Franchises, Good Government at Public Order and Safety ng Kamara ang insidente upang matukoy kung sino ang may pananagutan sa nangyari.
DZXL558