Ikinukonsidera ng Pamahalaan na itaas ang operating capacity ng ilang negosyo na pinapayagang mag-operate sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ito ang pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) kasunod ng panawagan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na ibaba sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila at Region 4-A.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, wala pang kasiguraduhan na ibababa ang quarantine levels sa National Capital Region (NCR) at CALABARZON kaya ang gagawin ay itataas ang kapasidad ng mga negosyo.
Suportado ni Lopez ang mungkahi ni Dominguez dahil mas maraming mabubuksan na industriya at sektor.
Sa ilalim ng GCQ, ang labor-dependent industries tulad ng dine-in services ng mga food establishment, barber shops, salons ay pinapayagang magbukas pero sa 30% operating capacity.
Kapag MGCQ naman, pinapayagan sa 50% capacity ang ilang establisyimento tulad ng gym at sinehan.