Hinikayat ng Quezon City Local Government Unit (LGU) ang lahat ng supermarkets at groceries sa lungsod na palawigin ang operating hours mula 8 ng umaga hanggang 7 ng gabi araw-araw.
Layon nito na ma-accommodate ang marami pang mamimili sa layunin na mabawasan ang dami ng tao na magtutungo sa mga public markets.
Mas hinigpitan na kasi ang pagpasok ng mga mamimili sa lahat ng pampubliko at pribadong palengke para matutukan ng husto ang social distancing at kalinisan sa lugar.
Ayon kay Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo, may kabuuang 73 palengke at talipapa ang operational sa lungsod.
Ipinatutupad na sa bawat palengke ang single entry at exit points upang maiwasan ang maramihang pagpasok.
Para mabantayan ang kaayusan at galaw ng tao, maglalagay pa ng mga CCTV camera ang Lokal na Pamahalaan sa entry at exit points lalo na sa malalaking palengke.