Magiging unified na ang operational guidelines ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para maiwasan ang misencounter.
Ito ang inihayag ni PNP Chief General Guillermo Eleazar matapos na makipagpulong ay PDEA Director General Wilkins Villanueva.
Aniya, layunin ng unified operational guidelines ay upang hindi magpanagpo ang mga pulis at PDEA agent sa iisang lugar sa pagsasagawa ng operasyon.
Kinakailangan ayon kay Eleazar na makipag-ugnayan ang PNP sa PDEA at ma- approve ng PDEA ang gagawing drug operation bago ikasa.
Magiging by area of jurisdiction ng bawat police station naman ang usapan at hindi bawat barangay, halimbawa aniya sa Quezon City na napakalaking lugar na may 16 na police stations.
Bawat police station ay dapat mahigpit na makikipag-ugnayan sa mga PDEA agent kung sa kanilang area of responsibility gagawin ang drug operation.
Sinabi ni Eleazar, hindi na bago ang mga operational guidelines ang pagkakaiba lang ngayon ay unified na ito para mas malinaw.
Mahaharap naman sa kasong administratibo ang sinumang pulis o PDEA agent na lalabag sa operational guidelines.
Umaasa si Eleazar na sa pamamagitan ng mga guidelines ay hindi mangyayari ang misencounter sa pagitan ng PNP at PDEA.