Opisina ng presidente, bise presidente at DepEd, hindi nararapat na mabigyan ng confidential at intelligence fund – senador

Tahasang sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi karapat-dapat na mabigyan ng confidential at intelligence fund (CIF) ang civilian government agencies na inaprubahan ng Senado.

Matatandaang sa mahigit P9 billion na CIF, P4.5 billion dito ay confidential at intelligence fund ng Office of the President, P500 million ang confidential fund sa Office of the Vice President (OVP) at P30 million confidential fund sa Department of Education (DepEd).

Giit ni Pimentel, malinaw sa batas at sa mga patakaran na ang confidential fund ay para lamang sa mga civilian agency na may gastusin sa surveillance activities na kasama sa kanilang mandato o bahagi ng kanilang operasyon para magampanan ang trabaho.


Ang mga nabanggit na tanggapan at kagawaran ay wala namang mandato na magsagawa ng surveillance activities.

Binigyang-diin pa ni Pimentel na batay sa Konstitusyon, ang mandato lang ng vice president ay ihanda ang sarili para maging presidente ng bansa sa lahat ng pagkakataon.

Hindi rin aniya makatwiran ang pagkakaloob ng intelligence fund sa OP dahil ang intel fund ay para sa pagkalap ng intelligence information para sa national security na naaangkop naman sa uniformed at military services at intelligence practitioners tulad ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Facebook Comments