*Cauayan City, Isabela- *Humingi na ng dispensa kahapon ang lalaking empleyado ng Cityhall ng Cauayan na si Jay Bartolome sa kanyang ginawang pananapak kay Army Capt. Ralph Eugene Martinez, ang Commanding Officer ng 502nd Reconnaissance Company matapos silang pagharapin kahapon sa opisina ni City Mayor Bernard Dy.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni City Mayor Bernard Dy kung saan nagkamayan na umano ang dalawang opisyal matapos ang kanilang masinsinang pag-uusap.
Una umanong napag-usapan ng magkabilang panig na idaan na lamang sa tamang proseso ang kanilang isyu subalit kalaunan ay nagkaayos na rin ang mga ito.
Sinubukan namang muling kapanayamin ng RMN Cauayan si Army Capt. Martinez subalit tumanggi muna itong maglabas ng kanyang pahayag kung sasampahan pa nito ng kaso si Bartolome.
Una na kasing inihayag ng sundalo na bibigyan nito ng leksyon si Jay Bartolome dahil sa kanyang ginawang pananapak.
Ayon naman sa alkalde na dipende parin umano sa desisyon ng mga matataas na opisyal ng kasundaluhan kung sasampahan nila ng kaso si Bartolome.
Matatandaan na sinapak sa mukha ni Jay Bartolome si Martinez dahil lamang sa di pagkakaunawaan sa espasyo sa parking area sa isang fastfood chain partikular sa maharlika highway ng brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.