Opisyal ng AFP, na-bypass ng Commission on Appointments dahil sa kawalan ng child support

Matapos ang dalawang beses na ipinagpaliban ang pag-apruba sa ad interim appointment, ay tuluyang na-bypass ng Commission on Appointments ang Brigadier General na ranggo ni Ranulfo Sevilla dahil bigo itong tumupad sa pagbibigay ng sapat na sustento sa dalawang anak.

Ayon kay CA Committee on National Defense Chairman Cong. Jurdin Jesus Romualdo, hindi na magagamit ni Sevilla ang kanyang one star rank at balik ito sa pagiging Colonel.

Sinabi ni Romualdo na nagkaroon ng kasunduan ang komite at si Sevilla na magbibigay ng sustento sa mga anak at kapag tumupad naman ito ay aaprubahan nila ang ad interim appointment ng opisyal.


Kanina sa CA hearing ay nabusisi si Sevilla kung sumunod ito na magbigay ng 50 percent ng kanyang base pay bilang suporta sa mga anak.

Pero lumalabas na wala pa sa 50 percent ang ibibigay ni Sevilla at nangatwiran din ito na hindi niya alam na may ganoong halaga palang napag-usapan.

Sinita ni Romualdo si Sevilla at sinabihang huwag na itong magsinungaling dahil malinaw sa napag-usapan na dapat ay 65 percent ng base pay nito ang ibibigay na ibinaba sa 50 percent dahil hindi na nga kaya ng opisyal at si Sevilla lang ang nagsabi na gawin itong 30 percent na wala naman sa kanilang napagkasunduan.

Samantala, inaprubahan naman ng CA ang ad interim appointment ng 129 na generals at senior officials ng Armed Forces of the Philippines.

Facebook Comments