Opisyal ng Barangay sa Santiago City, Kabilang sa ‘𝐇𝐨𝐦𝐞𝐭𝐨𝐰𝐧 𝐇𝐞𝐫𝐨𝐞𝐬’ sa Bansa

Cauayan City, Isabela- Ikinatuwa ng grupong ‘𝐁𝐚𝐫𝐚𝐧𝐠𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐑𝐞𝐬𝐩𝐨𝐧𝐬𝐚𝐛𝐥𝐞 𝐚𝐭 𝐎𝐫𝐠𝐚𝐧𝐢𝐬𝐚𝐝𝐨 (𝐁𝐑𝐎)’ ng Barangay Mabini sa Santiago City ang pagkakabilang sa huling yugto ng mga nominado sa ‘𝐒𝐞𝐚𝐫𝐜𝐡 𝐟𝐨𝐫 𝐇𝐨𝐦𝐞𝐭𝐨𝐰𝐧 𝐇𝐞𝐫𝐨𝐞𝐬’ ng Benita and Catalino Yap Foundation (BCYF).

Ayon kay Kagawad Joseph Cortez, inspirasyon ng kanilang grupo ang simpleng paraan ng pagtulong subalit higit itong nakapagbigay ng ngiti sa ilang indibidwal lalo pa’t humaharap ang lahat sa pandemya dulot ng COVID-19.

Boluntaryong kumikilos ang kanilang grupo sa ilang serbisyong pangkomunidad na isa sa mga sentro ang mabigyan ng magandang halimbawa ang mga kabataan sa kung paano higit na makakatulong sa kanilang kapwa na walang hihintaying kapalit.


Ayon pa kay Cortez, hindi maisasakatuparan ang lahat ng proyekto na kanilang nasimulan kung hindi dahil sa iba pang boluntaryong tumutulong sa kanila para sa kapakinabangan ng mga higit na nangangailangan.

Sa kabila nito, nagpapasalamat din siya sa mga taong kumikilala sa kanilang ambag sa lipunan maging ang RMN/iFM Cauayan na naging daan para makasama ang kanyang grupo sa mga nominado mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Umaasa naman ang grupo na masusungkit nila ang pagkilalang ito na kanila namang iaalay sa mga taong higit na naniniwala sa kanilang kakayahan.

Facebook Comments