Umaasa si Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan na matutugunan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling isang taong termino ang mga hinaing at pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Tinukoy ni Archbishop Cabantan ang pangangailangan ng mamamayan sa healthcare system ng bansa kung saan hirap pa ring malunasan ng pamahalaan ang epekto ng COVID-19 pandemic. .
Ayon sa Arsobispo, kinakailangan ng Administrasyong Duterte na kumilos pa upang tuluyang matugunan ang suliranin sa sistema ng kalusugan, lalo na sa pagbibigay ng COVID-19 vaccine sa mamamayan upang maging ligtas sa banta ng virus.
Inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 26 na nasa humigit 30 milyong doses na ng COVID-19 vaccine ang natanggap ng bansa.
Inaasahan pa ng pamahalaan ang pagdating ng karagdagang 36 milyong vaccine ngayong buwan at sa Agosto.
Samantala, idinadalangin naman ni Archbishop Cabantan na nawa’y sa huling termino ni Pangulong Duterte ay makamtan na ng bansa ang tunay na pagbabago tungo sa mas makabuluhang pag-unlad ng lipunan.