Opisyal ng ISU System, Binato ang Sinakyang Bus!

Binato ang sinakyang bus ng isang opisyal ng Isabela State University System habang binabaybay ang kahabaan ng Guimba, Nueva Ecija, patungong Metro Manila nitong madaling araw ng Huwebes, May 10,2018.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Dr. Juanito Rosini, ang Vice President ng Isabela State University System, aniya tumama ang malaking bato sa kaliwang braso ng drayber ng Dalin Liner.

Pagkalipas ng ilang minuto ay sinundan din ang paghinto ng dalawang bus ng Dalin at dalawang Victory Liner sa lugar dahil din sa pambabato na pawang mga pwesto ng drayber ang tinamaan at ilan din sa bahagi ng sasakyan.


Sinabi pa ni Dr. Rosini na nagsadya ang limang bus sa Guimba Police Station ngunit dalawang pulis lamang umano ang kanilang nadatnan at parang binabalewala pa ang nasabing pangyayari.

Dahil dito, tinawagan ni Dr. Rosini ang COP ng Guimba at hindi naniwala na dalawang pulis lamang ang naka-duty sa mga oras na iyon.

Pagkalipas pa ng ilang minuto ay may umikot na pulis umano sa lugar na gamit naman ang kanilang patrol car pero walang nakita sa mga suspek.

Samantala sa panayam pa rin ng RMN Cauayan kay Police Superintendent Eliseo Tanding, ang Provincial Director ng Nueva Ecija, aniya hindi pa nakakarating sa kanyang tanggapan ang naganap na pambabato sa limang pampapasaherong bus ngunit nangako na kanyang paiimbestigahan agad ang nasabing pangyayari.

Facebook Comments