Opisyal ng MMDA na namahiya umano sa isang PNP officer, didisiplinahin na

Isasailalim na sa pagdidisiplina ang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na namahiya umano sa isang pulis na nahuling nag-park ng motor sa sidewalk sa Quezon City.

Ayon kay Senator JV Ejercito, ito ang pangako sa kanya ni MMDA Chairman Romando Artes na aminadong sumobra si MMDA-Special Operations Group Task Force Head Gabriel Go nang sitahin ang PNP officer.

Iginiit ni Ejercito na marapat lamang disiplinahin ang officers ng MMDA na lumalampas sa kanilang limitasyon upang hindi na rin maulit ang tila pamamahiya sa pulis sa kabila ng pagpapakumbaba nito.


Naniniwala naman ang mambabatas na marapat lamang tiketan ang pulis na nakalabag sa patakaran ng ahensya subalit hindi rin tama ang ginawa ni Go na pamamahiya sa opisyal na ginawa pa niya habang naka-live sa social media.

Batay rin sa social media post ni Ejercito, nakakuha siya ng complaint affidavit kung saan inireklamo ng sexual harassment si Go ng isang babaeng MMDA traffic enforcer.

Facebook Comments