APIS, inilunsad ng pamahalaan para sa mas mahigpit na border security sa bansa

Inilunsad ng Bureau of Immigration ang Advanced Passenger Information System (APIS) para mas paigtingin ang border security sa bansa.

Ang APIS ay isang globally recognized system na nagbibigay-daan sa awtoridad na magsagawa ng advance screening sa mga pasahero bago pa man sila dumating sa Pilipinas.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang paglulunsad ng naturang sistema ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gamitin ang digital transformation.

Sa pamamagitan nito, mas nagiging mabilis at epektibo ang risk assessment at immigration procedures, na nagpapababa ng posibilidad ng iligal na pagpasok ng mga indibidwal na may posibleng banta sa seguridad.

Bilang bahagi ng phased implementation, sinimulan na ng BI ang pilot testing sa ilang pangunahing airline carriers, kung saan ang Cebu Pacific ang kauna-unahang airline na ganap na nag-integrate ng kanilang sistema sa APIS.

Susunod naman aniya ang Philippine Airlines, at kapag walang naging problema, gagawin na itong mandatory sa lahat ng airlines.

Samantala, bukod sa APIS, matagumpay rin na isinagawa ng BI ang connectivity test sa Interpol’s I-24/7 database, na nagbibigay ng direktang access sa global security watchlist.

Facebook Comments