Opisyal ng NTF-ELCAC, nakagalitan sa budget hearing ng DSWD

Nakagalitan ng panel ng House Committee on Appropriations si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC Exec. Dir. Allen Capuyan sa gitna ng pagdinig para sa panukalang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 2022.

Sa budget deliberation ay nagtanong si Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat ukol sa usapin ng mga katutubo gaya ng kanyang kapatid at iba pang katutubong lider na hinuli ng mga otoridad.

Natanong kasi ni Cullamat kung bakit walang ginawa ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na pinamumunuan ni Capuyan.


Agad na sinagot ni Capuyan na puro mga kasinungalingan ang sinasabi ni Cullamat.

Direktang sinabi ni Capuyan kay Cullamat na bahagi ito ng militanteng grupo at nabubuhay ang progresibong kongresista sa mga propaganda.

Dahil dito, nanghimasok na si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate at sinita si Capuyan na dapat ay magprisenta lamang ng budget at hindi nag-aakusa sa isang kongresista.

Ipina-reprimand ni Zarate si Capuyan sa komite at pinaalalahan ng tamang gagawin sa pagdinig.

Binalaan naman ni Appropriations Vice Chair Jocelyn Limkaichong si Capuyan at iba pang resource person laban sa maghayag ng mga negatibong komento sa pagdinig.

Kinalaunay pina-strike ang mga pahayag nito at humingi naman ng tawad si Capuyan.

Facebook Comments