
Inamin ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano na siya mismo ang nag-apruba ng operasyon ng dredging ng Bluemax Tradelink Inc. sa baybaying-dagat ng Rizal at Mamburao.
Iginiit ni Gadiano na may awtoridad siyang gawin ito batay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order No. 2020-12.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, binuo ang isang inter-agency task force na kinabibilangan ng director ng DENR, Department of Public Works and Highway (DPWH), Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Environmental Management Bureau (EMB) kung saan ang gobernador ang tumatayong chairperson at maaaring mag-isyu ng permit.
Ang pag-amin ni Gadiano ay kasunod ng isang trahedya noong April 15, 2025 makaraang tumaob ang isang dredging vessel na pag-aari ng Bluemax sa bayan ng Rizal, na nagresulta sa pagkamatay ng siyam na tripulante, kabilang ang ilang Chinese nationals.
Kasabay nito, inanunsyo ng pamahalaan ang malawakang imbestigasyon sa lahat ng dredging operations sa buong bansa.
Nabatid na nababahala ang gobyerno sa mga ulat na posibleng ginagamit sa mga proyekto ng China sa West Philippine Sea ang mga materyales lalo na ang buhangin na kinukuha mula sa karagatan ng Pilipinas.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang timing ng insidente sa Occidental Mindoro at ang pag-amin ni Gadiano, upang matukoy kung ang mga lokal na permit ay ginagamit sa pabor sa interes ng iba.








