
Activated na ang OPLAN B.I.D.A. o Batang Iwas sa Dahas at Abuso sa T. Ayson Rosario Elementary School sa Barangay Calmay, Dagupan City bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa anumang uri ng pang-aabuso sa mga bata.
Masigla at aktibong nakibahagi ang mga mag-aaral sa isinagawang talakayan tungkol sa Good Touch vs. Bad Touch, na naglalayong palawakin ang kanilang kaalaman sa tamang pagprotekta sa sarili.
Isinagawa ang programa kasabay ng paggunita sa ika-30 National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation, bilang pagpapakita ng matibay na paninindigan ng pamahalaang lokal at mga katuwang na ahensya sa pagsusulong ng kaligtasan at kapakanan ng kabataan.
Mahigpit ang panawagan ng mga opisyal: hindi dapat maging biktima ng anumang uri ng dahas at abuso ang mga bata. Sa pamamagitan ng tamang kaalaman at bukas na talakayan, mas napapalakas ang kanilang kakayahang magsumbong at umiwas sa panganib.
Katuwang sa pagpapatupad ng programa ang Department of Education Schools Division Office, City Population and Development Office, Women’s Center, Teen Center, at barangay council.
Patuloy ang paninindigan ng komunidad: sama-sama sa pagprotekta sa kabataan at sa pagbuo ng isang ligtas at mapagkalingang kapaligiran para sa bawat bata. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










