
Umarangkada muli ang OPLAN B.I.D.A. o Batang Iwas sa Dahas at Abuso sa iba’t ibang paaralan sa Dagupan ngayong Miyerkules, Nobyembre 19. Layunin ng programa na palakasin ang kamalayan ng mga kabataan tungkol sa Good Touch vs. Bad Touch at pag-iwas sa anumang uri ng pang-aabuso.
Nagsagawa ng sunod-sunod na lecture sa Pogo-Lasip Elementary School at Salapingao Elementary School, sa pangunguna ng City Population and Development Office at Teen Center. Dito ipinaliwanag sa mga estudyante ang tamang pagkilala sa ligtas at mapanganib na paghawak, at kung saan sila maaaring lumapit sakaling makaranas ng pang-aabuso.
Bahagi ito ng pagtitiyak ng lokal na pamahalaan na manatiling ligtas ang bawat kabataan sa Dagupan. Suporta rin dito ang DepEd Dagupan, Women’s Center, Teen Center, at Girl Scouts of the Philippines—Dagupan Council, bilang pagtindig sa adbokasiyang: “Walang lugar ang dahas at abuso sa Dagupan.”









