
Cauayan City – Muling magsasagawa ng OPLAN Baklas ang Commission on Elections Ilagan City sa darating na ika-28 ng Marso.
Ito’y bilang pakikiisa sa Synchronized Nationwide Grand Baklas Operations na naglalayong masiguro na lahat ng mga kandidato sa lungsod ng Ilagan ay sumusunod sa mga panuntunan ng COMELEC ngayong panahon ng Eleksyon.
Sa inilabas na anunsyo ng COMELEC Ilagan City, nakatakdang baklasin ng Task Force ang mga election materials na nakakabit sa mga ipinagbabawal na lugar katulad na lamang sa labas ng common poster areas, pampublikong lugar na ipinagbabawal magpaskil ng campaign materials, at ang mga nakakabit sa mga private properties na walang pahintulot sa may-ari.
Kasama rin sa babaklasin ang mga oversized campaign materials, ang mga gawa sa tela, papel, cardboards, at iba pang recyclable materials.
Maliban dito, bago ang pag-uumpisa ng campaign period ng mga local electoral candidates sa March 28, kinakailangang tanggalin ng mga ito ang anumang uri ng ipinagbabawal na election propaganda sa loob ng 72 oras bago ang mismong pag-uumpisa ng Campaign Period.
Maliban sa OPLAN Baklas sa darating na March 28, gagawin rin ang aktibidad na ito tuwing araw ng Martes.