Itutuloy na muli ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagsasagawa ng Oplan Baklas pero sa mga pampublikong lugar na lamang kasunod ng inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema laban dito.
Mababatid na ipinasuspinde ng ilang supporters ni Vice President Leni Robredo ang Oplan Baklas ng Comelec matapos ang mga insidente ng pagtanggal ng mga campaign materials na nakapaskil sa pribadong ari-arian.
Dahil dito, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na hindi na sila magbabaklas ng illegal campaign materials sa mga pribadong ari-arian bagkus ay hanggang sa mga lugar lamang na sakop ng kanilang otoridad.
Samantala, nangangamba ang isang election watchdog sa posibilidad na makwestiyon ang integridad ng halalan kasunod ng pagkakatalaga ni Pangulong Duterte ng mga bagong opsiyal sa COMELEC.
Sinabi ni Kontra Daya Convenor Professor Danilo Arao sa panayam ng RMN Manila na dapat walang conflict of interest o bagahe ang mga inilalagay sa naturang poll body.
Dahil dito, ipinalalabas ni Arao sa Office of the President ang shortlist na pinagpilian ng pangulo sa pagtalaga ng mga bagong opisyal ng COMELEC.