Manila, Philippines – Naka-heightened alert ang buong pwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) simula sa Disyembre 18, 2017 hanggang Enero 8, 2018 bilang pagpapairal ng ‘Oplan Biyaheng Ayos: Krismas 2017’.
Layunin nito na tiyakin ang kahandaan ng PCG sa inaasahang pagdagsa ng mga bibiyahe sa panahon ng kapaskuhan.
Kaugnay nito, nagpalabas ng direktiba si PCG Officer-In-Charge Commodore Joel Garcia sa lahat ng mga coast guard unit na panatilihin ang mataas na antas ng kahandaan at pagiging alerto sa lahat ng mga pier sa buong bansa, mga beach, at sa mga coastal at island resorts.
Nagpalabas na rin umano si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ng kautusan na higpitan ang pag-iinspeksyon sa lahat ng mga pasahero at mga bagahe.
Pinapayuhan din ng PCG ang lahat ng mga pasahero na dumating sa pier tatlong oras bago ang oras ng kanilang biyahe.
Bilang bahagi pa rin ng ‘Oplan Biyaheng Ayos’, magtatayo rin ang PCG ng mga passenger assistance center booths sa mga pier na tatauhan ng mga miyembro ng PCG, DOTr, Philippine Ports Authority, Maritime Industry Authority, Philippine Coast Guard Auxilliary, lokal na pamahalaan at ng pulisya.