Manila, Philippines – Sinimulan na rin ng DOH ang pagbabakuna sa mga bata laban sa Japanese encephalitis.
Sa harap na rin ito ng tumataas na bilang ng kaso ng tigdas at dengue sa bansa.
Ang Japanese encephalitis ay isang uri ng sakit na nakukuha sa kagat ng lamok, partikular sa culex species, kung saan 30 percent ng tinatamaan nito ay namamatay.
Kabilang sa mga sintomas nito na kadalasang tumatagal ng lima hanggang 15 araw ay lagnat, pananakit ng ulo, pagsusuka, confusion at hirap sa paggalaw.
Sa buong Cordillera Region pa lang, umabot sa labintatlo (13) ang naitalang kumpirmadong kaso nito noong 2018.
Wala pa namang naitatalang nasawi sa cordillera pero bago pa ito mangyari, inilunsad na ng DOH sa rehiyon ang “oplan culex” o ang malawakang pagbabakuna sa mga batang may edad siyam na buwan hanggang bago sumapit sa limang taong gulang.
Nanawagan naman si Dr. Ruby Constantino, OIC ng DOH-Disease Prevention and Control na huwag katakutan nag bakuna laban sa Japanese encephalitis dahil 30 years na itong ginagamit.