Manila, Philippines – Ipinanawagan muli ng mga taga-oposisyon sa Kamara na itigil na ang Oplan Double Barrel ng PNP.
Ayon kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, ang Oplan Double Barrel ang dahilan kung bakit sunud-sunod ang mga napapatay na menor de edad.
Giit ni Baguilat, hindi malayong masundan pa ang ganitong insidente kung magpapatuloy ang maigting na operasyon ng pulisya sa giyera kontra droga.
Una nang napabalita ang pagkakapatay ng pulis Caloocan kay Kian Delos Santos, na sinundan ni Carl Angelo Arnaiz at ang pinakahuli si Reynaldo De Guzman.
Iginiit pa nito na kailangang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa 3 menor de edad at iba pang hindi nareresolbang kaso ng pagpatay.
Kinastigo pa ni Baguilat ang ginagawa ng gobyerno na idinadaan sa photo sessions kasama ang pamilya ng mga biktima para mapahupa ang galit ng publiko.