Nagkasa ng biglaang Oplan Galugad ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa loob ng Manila North Cemetery.
Ito’y sa pangunguna ng MPD Station-3 o ng Sta. Cruz Police Station na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Ramon Czar Solas.
Layunin ng kanilang operasyon ay para masigurong walang anumang kriminal ang nananatili o nagtatago sa loob ng Manila North Cemetery.
Apat na indibidwal ang arestado sa isinagawang Oplan Galugad kung saan ang isa ay may kasong “trespass to dwelling.”
Mayroon namang mag-asawa na isinakay sa police mobile makaraang ituro umano na nagtutulak ng ilegal na droga.
Itinanggi ng mag-asawa ang alegasyon, pero sinabi ng mga pulis na nahulihan sila ng drug paraphernalia.
Isa ring lalaki ang isinakay sa police mobile dahil sa paggamit umano ng ilegal na droga.
Ang mga naaresto ay dinala na sa Sta. Cruz Police Station at ipoproseso.
Sa kabuuan, humigit kumulang 40 na mga indibidwal ang nasita at sumalang sa beripikasyon at kinalauna’y pinauwi na sila kasama ang apat na menor de edad.
Ayon kay Solas, ang MPD ay handang-handa na rin para sa pagbabantay at magiging trabaho para sa Undas.