Oplan kaluluwa ng PNP, ikinasa na para paghandaan ang pagdagsa ng mga bibisita sa mga sementeryo

Mas maagang ikinasa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang Oplan Kaluluwa dahil sa inaasahan nilang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo bago ito isara sa October 29 hanggang November 4.

Ayon kay PNP Chief Police Gen. Camilo Pancratius Cascolan, siguradong dadagsa ang publiko sa pagpunta sa mga sementeryo para bisitahin ang puntod ng kanilang mahal sa buhay kaya inatasan na niya ang Highway Patrol Group (HPG) na tiyakin ang kaligtasan ng mga bibiyahe.

Inalerto na rin ni Cascolan ang kaniyang mga regional at provincial directors upang siguraduhin ang kapayapaan sa kanilang mga nasasakupan lalo na’t inaasahan na mas maraming lalabas para maagang magtungo sa sementeryo.


Bukod dito, ipinatayo na rin ni Cascolan ang mga Police Assistance Desk sa lahat ng strategic areas ng mga highway kasama na ang paligid ng sementeryo para sa mabilis na pagresponde.

Pinaaalerto niya na rin sa mga chief of police ang Barangay Peacekeeping Action Teams (BPAT) na siyang magroronda sa kanilang nasasakupan.

Inatasan din ng PNP ang lahat ng police commanders na magsagawa ng regular na pagpapatrolya sa mga sementeryo at kolumbaryo.

Sinabi ni PNP Spokeman Col. Ysmael Yu na pinatitiyak sa kapulisan na masusunod ang quarantine rules maging ang minimum health safety standard protocol.

Dagdag pa ni Yu na imomonitor ni Cascolan ang lahat ng sitwasyon hindi lamang sa sementeryo maging sa ilang lugar upang maiwasan ang anumang hindi inasahang pangyayari

Facebook Comments