Cauayan City, Isabela- Nakatanggap ang nasa 60 pamilya sa ilang barangay sa lungsod ng Cauayan ng munting handog mula sa nagpapatuloy na Oplan Tabang COVID-19 response ng RMN Foundation at iFM Cauayan bilang bahagi ng ika-68 taong anibersaryo ng RMN Networks.
Ayon kay tatay Avelino Guevarra, 70 taong gulang at residente ng Brgy. District 1, Cauayan City, laking pasasalamat nito sa istasyon at sa network sa tulong na kanyang natanggap makaraang maswerteng mapili sa nabahaginan ng nasabing handog.
Aniya, laking tulong ito sa kanya lalo pa’t may kahirapan ang buhay dahil sa nararanasang pandemya.
Katuwang naman ang ilang kumpanya sa pagbabahagi ng tulong gaya ng Pfizer Philippines Foundation, ACS Manufacturing Corporation, makers of shield bath soap at unique toothpaste maging ang ilang local sponsors gaya ng Jay Du Manufacturing na produkto ng BestCaffe 8-in-1 coffeemix.
Target ng RMN Networks at RMN Foundation na mabigyan ang nasa kabuuang 100 pamilya ng munting handog.
Bukas ang huling araw ng pag-iikot ng pwersa ng iFM Cauayan sa natitira pang dalawang barangay sa lungsod.