Oplan Tabang Relief Operation ng RMN Foundation at RMN Tacloban sa mga biktima ng Bagyong Odette sa Southern Leyte, kasado na ngayong araw

Kasado na nga ngayon araw ang isasagawang Oplan Tabang Relief Operation ng RMN Foundation kasama ang RMN Tacloban para sa mga biktima ng Bagyong Odette sa probinsiya ng Southern Leyte.

Matatandaan na sa bayan ng Padre Burgos sa Southern Leyte nag-landfall sa ika-apat na beses ang Bagyong Odette noong December 16, 2021.

Kaya naman bilang bahagi ng pagtugon sa mga kababayan natin na nangangailangan, ay nakatakda ngayon araw na magbigay ng ayuda ang RMN Foundation kasama ang RMN Tacloban sa mga apektadong pamilya ng Brgy. Bunga at Brgy. Santo Rosario sa bayan ng Padre Burgos.


Ayon kay Kagawad Cris Canta, ng Brgy. Bunga, hanggang ngayon ay hirap pa rin daw sila sa supply ng tubig at wala pa ring kuryente sa kanilang lugar.

Kaya naman, makatatanggap ang bawat pamilya ng food packs na naglalaman ng bigas, tubig, mga de lata at kape, aabot sa 500 pamilya o 2,500 individual ang mabibigyan ng ayuda sa nasabing mga barangay.

Nagpapasalamat naman ang RMN Foundation sa Project Nightfall Organization na isa sa mga major donor na tumugon sa call for donation ng RMN Foundation para sa mga kababayan nating nasalanta ng Bagyong Odette.

Bukod pa rito ay pinuntahan naman ng RMN Foundation at RMN Tacloban ang mga benepisyaryo ng sustainable livelihood program ng RMN Foundation upang kumustahin ang kani-kanilang mga buhay matapos ang proyekto noong December 2021 na nagsimula noong April 2021, kada pamilya ay nakatanggap noon ng pinansiyal bilang tulong sa kanilang pagtatanim.

Sa ngayon, nakatakda namang libutin ng RMN Foundation ang mga probinsiya ng Bohol, Cebu at Negros upang maghatid ng tulong sa mga apektadong komunidad dahil sa Bagyong Odette.

Facebook Comments