Manila, Philippines – Nagsagawa ng operation sa mga pampublikong sasakyan ang grupong Inter Agency Council on Traffic o I-ACT kung saan tanging ang naturang grupo lamang ang nakapagpabuwag sa mga kolurom at nakahambalang mga tricycle, jeep at motorsiklo sa Dapitan Street Sampalok Manila.
Nabulaga ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau ng magsagawa ng operation ang mga kinatawan ng Interagency Council on Traffic kasama ang LTFRB laban sa mga kolorum at mga dispalinghadong pampublikong sasakyan dahil hindi nila akalain na magsasagawa ng operasyon ang naturang grupo.
Pinangunahan ang operasyon nina;
DOTr Assistant Secretary Mark Richmund De Leon, MMDA GM Jojo Garcia, LTFRB BM Aileen Lizada, LTFRB Chairman Martin Delgra at IACT Spokesman Elmer Argano kung saan pinagtatanggal ang mga nakahambalang sasakyan na matagal ng pinababayaan ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau bukod pa sa kanilang kampanya na Tanggal Bulok Tanggal Usok Campaign laban sa mga kakarag karag na pampublikong sasakyan.
Hinuhuli rin ng I-ACT ang mga motorcycle rider na walang helmet mga PUV na posibleng kolorum, walang rehistro, at iba pa mga paglabag.
Maraming mga PUV na ang nasampulan subalit mamaya pa umano mailalabas ng I-ACT ang kumpletong bilang ng kanilang mga nahuli dahil nagpapatuloy pa ang kanilang operasyon kaya marami rin mga pasahero ang nai-stranded sa bahagi ng Espana dahil wala ng masakyan na pasahero.