Oplan Tokhang, Sa Oras ng Upisina Lamang

Tuguegarao City, Cagayan – Titiyakin na walang malalabag na karapatang pantao sa muling panunumbalik ng Oplan Tokhang ng PNP.

Ito ang sinabi ni PRO2 Police Community Relation Chief PSupt Chevalier Iringan sa RMN Cauayan News.

Kanya ding ipinaliwanag ang mga nilalaman ng Supplemental Operational Guidelines ng Tokhang Activities na kung saan ay kinakailangang may apat na kasama ang PNP na kinatawan ng ibat ibang sector sa pagkakatok sa mga bahay-bahay.


Ayon kay PSupt Iringan, kailangang may isa mula sa Barangay Drug Abuse Council(BADAC) o City Anti-Drug Abuse Council(CADAC), isa mula sa PNP Human Rights Affairs o Human Rights Advocate Group, Isa mula sa religious sector at isang prominenteng indibidwal mula sa kumunidad.

Sa gagawin ding tokhang ay dapat sa pintuan lamang ng bahay kakausapin ang may -ari ng tahanan kung wala itong bakod. At sa gate lang naman kung nababakuran ang bahay ng totokhangin.

Sinabi pa ni PSupt Iringan na puede ring maimbitahan ang media para sa kinakailangang dokumentasyon.

Ang pinakamahalaga pa ay ang gagawing tokhang ay sa oras lamang ng upisina (8:00-5:00pm) mula Lunes hanggang Biernes.

Tinitiyak din ng PNP ng rehiyon na may balidong rason kung bakit kakatukin ang isang personalidad dahil sa pagkakalista nila sa watchlist ng National Directorate for Intelligence ng kapulisan na dumaan sa masusing paghimay.

Ipinaliwanag pa na may mga panuntunan din na kanilang susundin kung menor de edad ang mga nakatakdang totokhangin.

Ang Oplan Tokhang ay sabayang sinimulan kahapon sa buong bansang Pilipinas kaugnay sa muling pagsama n PNP sa kampanya laban sa droga.

Facebook Comments