Mas pinaiigting pa ngayon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Pol. Maj. Gen. Debold Sinas ang pagsasagawa ng “Oplan Viserion” sa kanilang hanay sa Metro Manila.
Ang naturang hakbang ni Sinas ay upang linisin ang kanilang hanay o internal cleansing laban sa mga personnel mula sa uniformed at non-uniformed service na umano’y sangkot sa iba’t ibang paglabag sa batas trapiko gaya ng paggamit ng hindi rehistrado o carnapped na sasakyan, nagmamaneho na expired ang lisensiya at registrations, maling paggamit ng alternate plate numbers at kahalintulad na mga paglabag.
Paliwanag ni Sinas, kapag pinababayaan at binabalewala ang naturang gawain, malaki aniyang epekto ito sa kabuuan ng PNP organization.
Nang sinimulan ang “Oplan Viserion” sa loob ng kampo ng mga pulis simula noong January 2020 hanggang September 2020, kabuuang 5,059 na mga sasakyan ang na-inspeksyon at 56 sa mga ito ang naparusahan.